CVAP Batch 8: Week 1 Experience





Pasubali (Disclaimer): Sa tingin ko'y marapat na akong mag-Tagalog, sapagkat darang na ako sa ating ikalawang wika. Sabi nga "mahalin ang sariling atin." Marahil ay gagamit pa rin ako nang bahagyang Ingles para sa ibang ekspresyon at mga salita, ngunit kung ibig mong maunawaan ito sa wikang Ingles, mangyaring makipag-ugnay sa akin sa (but if you want to understand it in English, please contact me at) themaneuvoice@gmail.com.


Hi, kumusta kayo fellas? Narito ka ba para basahin at alamin ang unang linggo ng aking karanasan sa CVAP (Certified Voice Artist Program) Batch 8 o para lamang daanan ito nang panandalian? Huwag kang mag-alala, alinman sa dalawa'y sisiguruhin kong hindi ka mababagot dahil ito'y maikli lamang o kung mabagot ka man, kahit papaano'y may napulot ka namang aral. 😅

Masasabi kong nakamit na ng aking unang karanasan sa batch na ito ang mga ekspektasyon na aking minimithi sa CVAP. Isa rito ay ang makakilala ng mga taong may iba't ibang kultura (lalo na 'yong QuaranTeam! 💪😁), ngunit iisa lamang din ang layon sa buhay pagdating sa sining ng boses, kahit na online lamang kami nagkadaupang-palad. At siyempre sa buhay, hindi puwede saya lang... kailangan din ng pagsubok. Kaya naman laking gulat ng lahat ng malaman at makita namin ang mga iba't ibang takdang aralin na iniatas sa amin ni Bb. Nikie. Gayunman, batid naming lahat ng 'yon ay para rin sa aming sariling kapakanan para pagdating nang tamang panaho'y mas maging handa kami at magkaroon ng reseptibong pag-iisip sa mga bagay na akala nami'y magaling na kami, subalit 'di pa pala.





Sa kabilang banda, laking pasasalamat ko talaga sa misteryosong pamamaraan ng ating Panginoon, sapagkat matapos ang dalawang failed auditions ko ay kusa na akong nakapasok sa scholarship ng batch na ito. Maraming salamat po talaga Bb. Ruby, Nikie, at siyempre sa ating nag-iisang VoiceMaster na si ginoong Pocholo "Choy" De leon Gonzales para sa pribileheyong ito. Pagpalain kayo nawa ng ating Poong Maykapal. Gaya ng patuloy na ginagawa ninyo para sa industriyang ito. Batid kong may pagkapait din ang sinapit mo noong ika'y nagsisimula pa lamang sir Choy, kaya naman natutuwa po ako, dahil sinunod ninyo ang gintong aral para po sa kabutihang panlahat at siyempre mas may natutuhan at naunawaan pa ako roon na dapat ay hindi salapi ang unang hangarin mo sa pagpasok sa sining na ito. Bukod pa roon ay natutuhan kong mas magsaliksik para sa aming mga takdang aralin, gaya na lamang ng paggawa ng blog na ito; salamat sa YouTube University heheh. 

Sa tingin ko'y hanggang dito na lamang ang aking maibabahagi. Alam ko rin namang bagot ka na eh, diba? Sino ba naman ako para pag-aksayahan mo ng kaunting panahon mo... biro lang 😁. Nawa natuwa ka kahit papaano sa kung anong naranasan ko sa aming unang workshop. Kita-kits ulit sa susunod na Sabado! God bless! 😇😊




Comments